LA UNION – Nakabalik na sa kanyang tungkulin bilang punong tagapamahala ng pamahalaang panlungsod ng San Fernando, La Union si Mayor Hermenegildo “Dong” Gualberto matapos ipatupad ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang desisyon ng Court of Appeals (CA).
Matatandaan na unang sinibak sa pwesto sa Gualberto ng Office of the Ombudsman noong January 2020 at hinatulang guilty ng Sandigan Bayan dahil reklamong inihain ng 47 punong barangay ng lungsod hinggil sa rehabilitasyon ng City Plaza na nagkakahalaga ng P66,473,503.90 o nagmula sa 20 percent Development Fund ng 2018 na sinasabing hindi akma sa konteksto ng naturang proyekto.
Ngunit nanalo ang apela ng alkalde sa Court of Appeals noong September 2020 hinggil sa naging desisyon ng Sandigan Bayan na sinasabing na-dismiss ito sa kanyang pwesto bilang punong tagapamahala ng lungsod.
Sa panayam kay Mayor Gualberto, sinabi nito na labis ang kanyang pasasalamat sa Panginoon at kay Vice Mayor Alf Ortega na namahala sa lungsod habang nasakasagsagan pa ng pagdinig sa kanyang kaso.
Maging ang mga nagtratrabaho sa City Hall at ang mga tagasuporta nito ay pinasalamatan din ni Gualberto dahil sa nabigyan na naman ito ng pagkakataong makapaglingkod matapos ang halos 10 buwan na wala ito sa pwesto.
Samantala, sakabila ng pansamantalang pagkakasibak sa pwesto bilang alkalde ay nanawagan si Gualberto sa mga naghain ng reklamo laban sa kanya na isantabi na ang pamumulitika at makiisa nalang sa pagpapaunlad sa lungsod.
Sa kabilang dako, nagpahayag naman ng pasasalamat si Vice Mayor Ortega sa mga kababayan sa pamamagitan ng social media dahil sa pagtutulongan ng mga ito na labanan ang COVID-19 pandemic at kalamidad habang ito ang tumatayong alkalde ng lungsod.
Ayon kay Ortega, masaya siyang ipagpapatuloy ang kanyang tungkulin kasama ang Sangguniang Panlungsod bilang pagsuporta sa mga programa ng San Fernando City Government.