LA UNION – Naghain na ng apela sa Sandiganbayan si San Fernando City, La Union Mayor Hermenegildo “Dong” Gualberto upang hilingin na suriing mabuti ang inihain na preventive suspension laban sa kanya.
Sa mensahe ng naturang alkalde, sinabi nito na patuloy siya maninindigan sa katutuhanan at katarungan.
Itinuturing ni Gualberto na isang paghamak o pagsubok sa kanyang katatagan at paninindigan bilang punong tagapamahala ng lungsod ang 90-day preventive suspension dahil sa parehong paratang na unang napatunayan na walang katotohanan nga mga ito matapos manalo ang apela nito noon sa Court of Appeals kaya nakabalik siya sa katungkulan.
Ayon sa alkalde, pansamantala itong bababa sa pwesto bilang pagtalima at respeto sa pagsisiyasat ng hukuman.
“Muli po tayong maninindigan para sa katotohanan at katarungan. Ayon sa ating legal na payo, tayo ay naghain ng apela sa Sandiganbayan upang muling suriin ang pagpapataw ng preventive suspension na ito”, ayon kay Gualberto.
Nanghihinayang din si Gualberto dahil sa pangyayari lalo na’t puspusan ang paghahanda ng pamahalaang panglungsod sa vaccination rollout.
Sa kabila ng pagkakasuspendi nito, tiniyak ng alkalde na tuloy pa rin ng paglilingkod nito sa mga kababayan sa lungsod.
Umaasa si Gualberto na lalabas at mananaig ang katotohanan, malalagpasan ang pandemya, at muling titindig ang lungsod ng San Fernando.