LA UNION – Tiniyak ng lokal na pamahalaan ang tulong na ibibigay sa lahat ng mga naulila sa nangyaring malagim na aksidente ng sasakyan na ikinamatay ng 20 katao kahapon ng madaling araw o sa mismong Araw ng Pasko sa kahabaan ng National highway sa bayan ng Agoo, La Union.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Bauang, La Union Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Joel Caniezo, sinabi nito na ipinag-utos ni Bauang Municipal Mayor Martin De Guzman na ibigay ang mga pangangailangan ng mga naulila gaya ng tulong pinansyal.

Sasagutin din ng pamahalaang pambayan ng Bauang ang mga gastusin sa pagpapalibing sa mga namatay, at pagpapagamot sa mga sugatan biktima.

Maging ang ilang pasilidad na magagamit sa lamay ay ipapahiram din ng munisipyo.

Ayon pa kay Joel Caniezo, nangako rin na magbibigay ng personal na tulong ang ilang mga lokal na opisyal para sa mga naiwang pamilya.

Samantala, ikinuwento ng isang survior na si Ronald Cabuenas ang naging karanasan nito bago mangyari ang aksidente.

Ayon kay Cabuenas, halos karamihan sa kanila ay nakatulog habang nasa biyahe.

Naalimpungatan na lamang siya nang sumigaw ang isa sa pinsan nito na katabi ng driver na sila ay babangga sa kasalubong na bus.

Si Cabuenas, at ang walo pang sugatang kamag-anak nito ay kasalukuyang nagpapakagaling sa Ilocos Training and Regional Medical Center sa lungsod ng San Fernando, La Union.

Samantalan, nakahanda na rin ang auditorium ng Barangay Pilar sa bayan ng Bauang, kung saan doon ilalagak ng mga labi ng mga biktima sa aksidente upang iisang lugar na lamang ang pupuntahan ng mga makikidalamhati.

Una rito, patungo sana sa Manaoag Church sa Pangasinan ang mga biktima sakay ng isang jeep upang magsimba, ngunit hindi inaasaahan na babangga ang kanilang sasakyan sa kasalubong na bus.

Pagkagaling ng simbahan ay magkakaroon sana ng isang salu-salo ang mga kamag-anak kagabi sa Barangay Pilar upang ipagdiwang ang Pasko at reunion ng kanilang pamilya ngunit hindi ito natuloy dahil sa nangyaring aksidente. (Absalom Flores)