(Update) LA UNION – Nasa isang punerarya na ang 20 bangkay ng mga biktima sa madugong aksidente na nangyari sa kahabaan ng national highway sa Barangay San Jose Sur sa bayan ng Agoo, La Union kaninang madaling araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Barangay Chairman Marivic Bulacan ng Barangay Pilar, Bauang, La Union, sinabi nito na siyam pa sa kanyang mga kababayan ang kasalukuyang ginagamot sa Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC) sa lungsod ng San Fernando, La Union.
Umaapela rin ito ng tulong sa pamahalaan para sa pangangailangan ng mga naulila na naninirahan sa kanilang barangay lalo na sa lamay at pagpapalibing.
Sa kabilang dako, ikinuwento naman ng ilang kamag-anak ng mga biktima, hindi nila inaasahan ang pangyayari dahil masaya pa ang kanilang pagdiriwang ng Pasko kagabi at napagpasyahan ng mga ito na pumunta sila sa simbahan ng Manaoag sa lalawigan ng Pangasinan upang magpasalamat sa Panginoon.
May mga nakapagsabi rin mula sa mga kamag-anak ng mga naulila, na nakita nilang nakikipag-inuman umano sa kanilang lugar ang driver ng jeep na si Rolando Perez, ngunit hindi nila mabatid kung naparami ito ng inom.
Samantala, pinag-aaralan naman ng Agoo Police Station ang maaaring ihahain na kaso laban sa respondent driver ng Partas Bus na si Rodel Sadac ng Cabugao, Ilocos Sur.
Kinumpirma naman ni Senior Insp. Eugene Balagot, deputy chief of police ng Agoo police na nakalabas na mula sa pagamutang ang lahat ng pasahero ng bus, ngunit nanatili pa rin sa ospital ang driver nito.
Nasa ligtas na rin umano na kalagayan ang siyam na sugatang pasahero ng jeep at kasalukuyang nagpapagaling sa ITRMC.
Maalalang kaninang alas-3:00 ng madaling araw naganap ang insidente kung saan, nagsalpukan ang air-conditioned bus at pribadong jeep sa kahabaan ng Brgy. San Juan, Agoo, La Union.
Ayon kay Chief Insp. Roy Villanueva, hepe ng Agoo police station, patungong Ilocos Norte ang Partas bus habang tinatahak naman ng jeep ang kabilang direksyon nang mangyari ang banggaan.
Aniya, sa pinakahuling tala ng mga otoridad, nasa 20 na ang namatay habang patuloy na nilalapatan ng lunas ang 24 na iba pang pasahero.
Sa pagtungo ng Bombo Radyo sa pinangyarihan ng insidente, nabatid na nagtamo ng malubhang pagkasira ang jeep kung saan natanggal pa ang makina nito habang grabeng nayupi naman ang harapang bahagi ng bus.
Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa sanhi ng insidente.
Narito ang listahan ng mga pasaherong sakay ng pribadong jeepney:
Namatay:
1. Florence Cabueñas
2. Pepito Antolin y Rendon
3. Cecil Antolin y Ramirez
4. Mark Jerson Cabero
5. Rolando Perez y Abenes (Tsuper)
6. Vicky Cabagbag y Aquino
7. Jeraldine Cabradilla y Ramirez
8. Kennedy Cabagbag
9. Kyle Cabagbag, 6 mos. old
10. Anna Karina Ramiscal, minor
11. Claudia Cabradilla, minor
12. Jeffrey Cabradilla y Sabado
13. Nadine Joy Cabueñas, minor
14. Norin Ivy Cabueñas, minor
15. Neil Ivan Cabueñas, minor
16. Manuelito Lomboy Jr.
17. Claudine Cabradilla y Ramirez
18. Adila Antolin
19. Virgie Antolin y Ramirez
20. Nelson Cabueñas
Kasalukuyang ginagamot sa Ilocos Training and Regional Medical Center:
1. Rinald Cabueñas
2. Ednalyn Ramirez y Aquino
3. Ian Antolin y Ramirez
4. Herson Cabiro
5. Wenalyn Cabueñas
6. Jessa Mae Cabradilla
7. Chita Cabradilla
8. Johny Cabradilla
9. Jocelyn Cabradilla