Caracas, Venezuela — Dalawang malalakas na lindol ang tumama sa hilagang bahagi ng Venezuela ngayong araw, Hunyo 25 (oras sa Pilipinas), na nagdulot ng pagguho ng mga gusali at matinding takot sa mga residente ng kabiserang Caracas.

Ayon sa United States Geological Survey (USGS), unang naitala ang magnitude 7.2 na lindol, na sinundan lamang pagkalipas ng humigit-kumulang 39 hanggang 40 segundo ng mas malakas na magnitude 7.5 na lindol. Ang epicenter ng mga pagyanig ay malapit sa baybaying bahagi ng estado ng Carabobo, malapit sa mga bayan ng Montalbán at Morón, kung saan matatagpuan ang ilan sa pinakamalalaking refinery ng langis sa bansa.

Dahil sa sunod-sunod na malalakas na pagyanig, nagtakbuhan palabas ng mga gusali ang mga residente kasama ang kanilang mga pamilya at maging ang kanilang mga alagang hayop. Ilang gusali sa Caracas ang gumuho habang marami ring istruktura ang nagtamo ng pinsala. Naiulat din ang pagkasira ng ilang bahagi ng Simón Bolívar International Airport sa La Guaira, pati na ang pagkawala ng suplay ng kuryente at komunikasyon sa ilang lugar.

Patuloy ang search and rescue operations ng mga awtoridad habang inaalam pa ang kabuuang bilang ng mga nasawi at nasugatan. Nagbabala rin ang USGS na posible ang malaking pinsala at mataas na bilang ng mga biktima dahil sa lakas at babaw ng mga lindol.

Samantala, pansamantalang naglabas ng tsunami advisory ang U.S. Tsunami Warning Centers para sa ilang bahagi ng Caribbean, kabilang ang Puerto Rico at U.S. Virgin Islands. Gayunman, kalaunan ay binawi rin ang naturang babala matapos matukoy na wala nang banta ng mapanganib na tsunami.

Nagbabala rin ang mga awtoridad sa posibilidad ng mga aftershock at hinikayat ang publiko na umiwas muna sa mga gusaling maaaring humina ang istruktura habang nagpapatuloy ang pagsusuri sa lawak ng pinsala.