SAN FERNANDO CITY, LA UNION — Pormal nang sinimulan nitong Biyernes, Hulyo 17, ang pagdiriwang ng National Disability Rights Week 2026 sa pamamagitan ng isang kick-off program na isinagawa sa SM City La Union.

Pinangunahan ng Pamahalaang Lungsod ng San Fernando, sa pamamagitan ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO), ang programa na naglalayong palawakin ang kamalayan ng publiko tungkol sa mga karapatan, kapakanan, dignidad, at makabuluhang partisipasyon ng mga persons with disabilities (PWDs) sa lipunan.

Ayon kay Dr. Mark Anthony B. Inocencio, Head ng PDAO, naghanda ang lokal na pamahalaan ng isang linggong serye ng mga aktibidad at serbisyo upang higit na mapalakas ang suporta para sa sektor ng mga PWD.

Kabilang sa mga nakatakdang aktibidad ang libreng legal consultation na pangungunahan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), kung saan tatalakayin ang mga umiiral na batas at jurisprudence na may kaugnayan sa karapatan ng mga PWD.

Magkakaloob din ang pamahalaang lungsod ng mga manipulative learning materials at iba pang kagamitang panturo, kabilang ang mga musical instrument, para sa mga Special Education (SPED) schools sa lungsod upang makatulong sa pagkatuto ng mga mag-aaral na may kapansanan.

Isa rin sa mga tampok ng pagdiriwang ang paglulunsad ng Disability Code of the City of San Fernando, isang lokal na ordinansa na naglalayong higit pang mapalakas ang pangangalaga at pagsusulong ng mga karapatan at kapakanan ng mga persons with disabilities sa lungsod.

Sa kanyang mensahe, nanawagan si Dr. Inocencio sa publiko na isulong ang kultura ng inclusivity, paggalang, at pagtanggap sa mga persons with disabilities.

Aniya, ang mga PWD ay mahalagang bahagi ng iba’t ibang sektor ng lipunan at nararapat lamang na mabigyan ng pantay na oportunidad, pag-unawa, at suporta upang ganap silang makalahok sa pagpapaunlad ng komunidad.

Hinimok din niya ang publiko na iwasan ang anumang uri ng diskriminasyon, stigma, at pangungutyang berbal laban sa mga persons with disabilities, at sa halip ay itaguyod ang isang lipunang inklusibo kung saan kinikilala at pinahahalagahan ang kakayahan ng bawat isa.