Sorpresang binisita ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon kasama si Baguio City Mayor at Independent Commission for Infrastructure Special Adviser Benjamin Magalong dito sa probinsya ng La Union para personal na imbestigahan ang mga pinaniniwalaang maanomalyang flood control projects.
Sa kanilang pagbisita ay agad na nakitaan ng dalawang opisyal ng problema ang isa sa mga proyekto sapagkat walang kopya ng engineering plan ang foreman nito.
Dismayado si Dizon at sinabing walang pinagkaiba ang ginagawang flood control na ginawa dito sa probinsya ng La Union sa mga naunang palpak at substandard na flood control projects sa Bulacan at Mindoro.
Giit pa ng sekretaryo kailangan maimbestigahan ng mabuti ang nasabing proyekto at kailangang managot ang mga taong nasa likod ng nasabing palpak na proyekto.