Isa sa mga flood control projects ang nadiskubreng naabandona o hindi natapos na proyekto sa Barangay Bagbag, Bauang, La Union.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Barangay Captain Luz Sabado, sinabi nito na walang alam ang barangay kung ano ang rason kung bakit hindi itinuloy at kung kanino ang proyekto. Wala ding naganap na courtesy call o hindi manlang ipinaalam sa kanila, kaya’t nagulat ito nga may nagsabi sa kaniyang residente na may ginagawang proyekto sa lugar.
Kaya naman sa pananalasa ng mga nagdaang bagyong Crising, Emong, at Dante ay lubos itong nakaapekto sa mga residente, lalong-lalo na sa mga naninirahan malapit sa dike.
Maliban sa nahulog na backhoe ay kasama ring naanod ang mga kagamitan at materyales ng isang arkitekto, gayundin ang buong poultry.
Upang tugunan ang posible pang pagguho ng lupa at mas malalang epekto nito ay nagtulong-tulong na lamang ang mga residente na maglagay ng sandbag upang magsilbing panangga.
Sa kabilang dako, hinihiling ng Kapitana na sana ay gawan na ng solusyon ang nasabing proyekto dahil malaking tulong ito sa resident.