Narekober ang mga labi ng 2 Chinese national na kidnap vicitims sa General Trias City, Cavite nitong Biyernes, Pebrero 7.
Sa report ng Police Regional Office 4A ngayong Sabado, tinukoy ang mga biktima na umano’y nawawalang mag-ina na sina Rong Rong Hong at kaniyang 11 anyos na anak na si Zineng Zheng. Kinidnap ang 2 sa Ayala Alabang, Muntinlupa City noong Oktubre 2023.
Dakong alas-5 ng hapon kahapon, hinukay ng mga operatiba mula sa Philippine National Police Anti-Kidnapping Group at local police sa Barangay San Francisco.
Sa ngayon nagsasagawa na ang mga kapulisan ng masusing imbestigasyon at isasailalim ang mga labi ng mga biktima sa post-mortem examinations at autopsy para makumpirma ang kanilang pagkakakilanlan at matukoy ang sanhi ng kanilang kamatayan.
Una rito, noong Oktubre 30, 2023, pinasok ng 6 na armadong kalalakihan ang isa sa mga bahay sa isang village sa Muntinlupa at dinukot ang 9 na indibidwal kabilang ang 6 na Chinese saka isinakay sa isang van.
Tatlo sa mga biktima ay mga Pilipino na pinalaya din kalaunan sa Laguna habang ang 4 naman mula sa 6 na Chinese ay natagpuang patay sa Tanay, Rizal at Infanta, Quezon noong Nobiyembre 2023.
Naaresto naman na ang 3 suspek sa likod ng pagdukot sa mga biktima noong Disyembre 2023 at ikinulong at humaharap sa mga kasong kriminal.(By Bombo Everly Rico)