LA UNION – Nanawagan si Army Major Rogelio Dumbrigue, commanding officer ng Civil-Military Operation (CMO) ng 7th Infantry Division,PA sa komunistang grupo ng CPP/NPA, na pakawalan ang mga miyembro na gustong magbalik loob sa gobyerno.
Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay Major Dumbrique, sinabi nito na base na rin sa kuwento ng mga sumukong rebelde, binabantaan umano ang mga kasamahan na nagnanais sumuko o bumaba sa bundok.
Sinabi ng opisyal na noong Enero 4, isang babaeng rebelde na buntis ng anim na buwan ang sumuko, matapos payagang bumaba dahil sa kanyang kalagayan, ang naliwanagan at sumuko sa mga sundalo.
Si Sherry Ibao alyas ‘Jerry, Laila’ ay nagtapos ng pag-aaral sa PUP Manila, miyembro ng Anakbayan at nabigyan ng tour of duty sa Ilocos Region noong 2015.
Samantala, isiniwalat ni Major Dumbrique na isang dating pastora ng isang secta ng relihiyon sa La Union at ngayo’y lider ng Kilusang Larangang Guerilla (KLG) ng NPA, kinilala nito sa pangalang Abelyn Bonoan alyas Lunay, tubo ng Bacnotan, La Union ang may patong sa ulo na P2-M na manggagaling mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte maliban ba sa cash reward na ibibigay ng DILG.
Maliban kay Bonoan, kabilang din sa pinaghahanap ng mga kawal ng bansa ang isang nagngangalang Eddie Manuel Marcilla alyas Jack.