Naghahanda ngayon ng criminal charges si Davao 1st district Representative Pantaleon Alvarez laban kina House Speaker Martin Romualdez, Ako Bicol Rep. Elizalde Co at Zamboanga Rep. Mannix Delipe hinggil sa kinikwestyong Bicameral Conference Committee Report kaugnay ng 2025 General Appropriations Act.
Katuwang ni Alvarez sa magiging paghain ng reklamo si Atty. Ferdinand Topacio, Citizens Crime Watch (CCW) president na si Diego Magpantay at iba pa.
Giit ng dating House speaker, nagkaroon ng mga singit na pondo sa pambansang pondo na hindi naman kasama sa mga naaprubahan sa bicameral conference committee.
Posibleng ihain ang kaso sa lalong madaling panahon.
Pero una nang ipinagtanggol ng ilang opisyal ng Kamara ang mga pagbabago sa budget bill.
Giit ni House Appropriations committee acting head at Marikina Rep. Stella Luz Quimbo, nasunod ang mga nararapat na proseso sa bicam, taliwas sa mga pagpuna ng ilang kritiko.
Nanindigan din si Quimbo na walang blangko sa enrolled bill, kahit personal pa itong tingnan ng mga pumupuna.
“The enrolled bill is in the Archives of the House. Sana po ay makabisita po kayo doon para kayo na po ang mag-validate na nandoon po ang enrolled bill. Publicly available po. Anyone can visit the archives para kayo na po ang mag-confirm na naroon po ang enrolled bill. And our review of the general appropriations bill at ibabangga po ninyo ang Bicam [Bicameral Conference Committee] report, makikita po ninyo na wala pong blangko sa enrolled bill,” wika ni Quimbo.(By Bombo Dennis Jamito)