Kakasuhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang nasa 117 na katao na inaresto matapos i-raid ang ilang lending company sa Makati City.
Naiulat umano sa PAOCC ang mapang-abusong pamamaraan ng pangongolekta ng mga lending company sa kanilang mga kliyente o pinauutangan.
Kabilang na ang pangha-harass paggamit ng contact list ng may pagkakautang at iba pa.
Nagpapataw din umano ng hidden fees ang mga ito na hindi ipinaliliwanag sa mga kliyente.
Katuwang ng PAOCC sa operasyon at imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) at Securities and Exchange Commission (SEC).
Sinabi ni PAOCC executive director Undersecretary Gilbert Cruz na ang unang kinakailangan ng mga app ay ang mga contact at photo gallery ng isang loan applicant.
Sinabi niya na kahit na hindi binayaran ang isang loan, isa pang lending app ang mag-aalok ng loan para bayaran ang umiiral na obligasyon hanggang sa mapuno ng utang ang kliyente.
Wala sa mga may-ari ng lending app ang naaresto.
Ang mga empleyado, na itinanggi ang pangha-harass sa mga kliyente, ay mahaharap sa ilang mga kaso, na kinabibilangan ng harassment at grave threats.
Sinabi ng PAOCC at NBI na tinitingnan nila ang posibleng koneksyon sa pagitan ng lending app companies at POGO operations.