(Update) LA UNION – Nakaligtas ang 15 katao na sakay ng isang balsa matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig sa ilog sa bahagi ng Barangay Garcia sa bayan ng Tubao, La Union habang nasa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ompong.
Nabatid ng Bombo Radyo La Union kay S/Supt. Ricardo Layug Jr., director ng La Union Police Provincial Office, na base sa ulat ng hepe ng Aringay Police na si C/Insp. Daniel Banan at hepe ng Tubao police na si S/Insp. Virgilio Cruz ay galing sa Tubao Public Cemetery na nakipaglibing ang mga nasabing indibidwal na pawang residente ng Barangay Halog East at pauwi na sana ang mga ito sa kani-kanilang tahanan nang tangayin tubig ang sinasakyang balsa.
Napadpad sila sa bahagi ng Barangay San Simon sa bayan ng Aringay, La Union kasunod ang pagsaklolo sa kanila ng mga naninirahan doon.
Sa ngayon, inihahanda na ng Disaster Risk Reduction and Management Council ang gagamitin sasakyan ng mga nasagip patungo sa bayan ng Tubao, La Union.