Nakahanda na ang Provincial Government of La Union partikular ang bayan Bacnotan na siyang Host Municipality sa magaganap na Region 1 Athletic Association (R1AA) meet ngayong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay Ginoong Cesar Bucsit mula sa Public Information Office Department of Education Region 1 ay sinabi niyang buo ang suporta ng bawat mayor sa probinsya sapagkat may mga magaganap rin na municipal mga events.
Ayon kay Ginoong Cesar, ang palaro ay pormal na maguumpisa sa Marso 10 at magtatagal hanggang Marso 15.
Magaganap naman ang opening program sa Marso 11 sa pamamagitan ng parada sa tapat mismo ng munisipyo ng Bacnotan, La Union.
Dadaluhan ito ng kalahok sa panig ng ibat-ibang mga laro mula sa mga paaralan at mga Division offices.
Samantala, wala naman nabago sa bilang ng mga sporting events kung saan 26 ang para sa sekondarya at 19 naman ang para sa elementarya.
Ang ilan sa mga kasaling sports ay ang mga sumusunod: badminton, baseball, 3v3 at 5v5 basketball, chess, aerobic gymnastics, men and women artistic gymnastics, rhythmic gymnastics, sepak takraw, softball, table tennis, taekwondo, tennis, volleyball, archery, billiard, boxing, futsal, wrestling, at wushu.
Idinagdag pa ni Ginoong Cesar na sumulat na si Deped Regional Director Tolentino G. Aquino sa Ilocos Training Regional and Medical Center at sa Provincial Government of La Union patungkol sa mga medical supplies at medical team.
Sinabi niya na hindi maiiwasan ang immediate medical assistance lalo na sa mga tatakbo ng ilang kilometro.
Sa kabilang dako ay may binuo nang komite ng medical team ang DepEd Region 1 na kinabibilangan ng mga doktor mula sa regional office at mga nurses mula sa mga division offices.
Ang mga panauhing pandangal at magsisilbing resource persons sa palaro ay mga Gobernador sa apat na probinsya ng Rehiyon uno: Governor Ramon Gucio III ng Pangasinan, Governor Matthew Manotoc ng Ilocos Norte, Governor Jerry Singson ng Ilocos Sur, at Governor Raphaelle Veronica Ortega-David mula sa probinsya ng La Union; maidagdag pa ang hindi pa pinangalanang sekretarya mula sa DepEd central office.
Labis ang pasasalamat ni Ginoong Cesar Bucsit sa Bombo Radyo La Union dahil aniya, sa pamamagitan ng istasyon ay naipaparating ang massive information dissemination program ng DepEd.