SAN GABRIEL, LA UNION — Umabot na sa P9,413,111 ang tinatayang pagkalugi sa sektor ng agrikultura sa San Gabriel, La Union, bunsod ng pinsala sa mga pananim, ayon sa Municipal Agricultural Office.

Ayon kay San Gabriel Municipal Agriculturist Rizalina Quiros, mas matindi ang epekto sa high-value crops gaya ng kamatis, pipino, sitaw, at sili, dahil mas nakatuon ang mga magsasaka sa vegetable gardening kaysa palayan.

Sa pagtataya ay pinakamalaki ang pinsala sa mga high-value crops na umabot sa P9,251,840, sa mais nama’y P108,812, gayunding pagkalugi sa palay na umabot sa P52,449. Nakaapekto ito sa 160 na magsasaka ng high-value crops, 23 magsasaka ng mais, at 22 magsasaka ng palay.

May bahagyang pinsala sa 27.81 ektarya ng lupang agrikultural — 21.77 ektarya sa high-value crops, 1.70 ektarya sa mais, at 4.34 ektarya ng palay, gayundin ang karagdagang 0.25 ektarya na tuluyang nasira.

Sinabi ni Rizalina na nagdulot din ng problema ang pagguho ng lupa at erosion sa ilang farm-to-market roads, ngunit agad na isinagawa ang clearing operations upang maibalik ang access ng mga magsasaka, sa tulong narin ng liderato nila San Gabriel Municipal Mayor Lany Carbonell at La Union Provincial Governor Mario Eduardo Ortega.

Samantala, hinihimok ng San Gabriel Municipal Agricultural Office ang kanilang mga lokal na magsasaka na samantalahin ang iba’t-bang crop insurance programs bilang proteksyon sa mga hindi inaasahang kalagayan ng panahon at labis na pagkalugi.