Itinanggi ni Manila 3rd District Representatives Joel Chua ngayong Sabado na minadali ng Kamara de Representantes ang impeachment process kay Vice President Sara Duterte.

Isa nga si Cong. Chua sa 11 kongresista na nagsilbi sa prosecution panel ng Kamara para sa impeachment ni VP Sara.

Sa isang pulong balitaan ngayong araw, sinabi ng mambabatas na isa ding abogado na constitutional o nakasaad sa batas ang mga aksiyong ginawa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Inaasahan na din aniya ang naturang mga paratang ng Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Nauna na kasing nagpahayag ang Partido na pinamumunuan ng ama ni VP Sara na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isang statement ng labis na pagkasuklam at pagkondena sa anila’y minadali at paimbabaw na impeachment na malinaw na pagpapakita ng maruming pamumulitika sa bansa.

Nang matanong naman ang mambabatas kaugnay sa pang-apat mula sa 7 artikulo ng impeachment laban kay VP Sara kaugnay sa umano’y hindi maipaliwanag na paglobo ng kaniyang yaman at kabiguang i-disclose ang kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Sinabi ni Chua na ito ay base sa isiniwalat ni dating Sen. Sonny Trillanes noong pagdinig sa House Quad Committee noong Nobiyembre ng nakalipas na taon kung saan nakatanggap umano si dating Pangulong Rodrigo Duterte at kaniyang pamilya ng P2.4 billion na deposito sa bangko.

Tinanong din ang mambabatas kung nagsagawa ng sariling kumpirmasyon ang House sa alegasyon ni Trillanes, ipinaliwanag ni Atty. Chua na kailangan pa nilang siyasatin ng mabuti ang mga materyales o dokumento dahil kabibigay pa lamang umano ang mga ito at kailangan din aniyang rebyuhin ang lahat ng ebidensiya ng maraming beses.

Subalit iginiit naman ni Chua na may mabigat ng ebidensiya sa unang 3 artikulo pa lamang ng impeachment kabilang na ang umano’y conspiracy sa pag-assasinate kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez kung papatayin si VP Sara, malversation ng confidential funds at bribery at corruption ng DepEd sa ilalim ng pamamahala noon ni VP Sara.

Samantala, sa panig naman ni VP Sara, nauna na itong nanindigan na hindi siya magbibitiw sa gitna ng napipintong impeachment trial sa kaniya sa Senado.(By Bombo Everly Rico)