LA UNION – Nagpahayag ng suporta ang kampo ni Dra. Joya Dumpit sa kandidatura ni La Union 2nd District Representative Sandra Eriguel sa nalalapit na pambansa at lokal na halalan sa May 2022.
Si Dra. Joya ay sasabak sa mayoralty race sa bayan ng Bauang, La Union; habang si Rep. Eriguel ay para naman sa congressional race sa ikatlong pagkakataon sa naturang distrito.
Ayon kay retired Army Col. Thomas “Butch” Dumpit Jr., nagkaroon sila ng tactical alliance sa hanay ni Rep. Eriguel.
Dahil magtatapos na rin aniya ang pangatlong termino ng kasalukuyang mambabatas ay walang lalaban sa pagkakongresista na magmumula sa kanilang panig.
Sa halip ay ibibigay ng mga ito ang buong suporta para sa kandidatura ni Rep. Eriguel.
Sabi pa ni retired Col. Dumpit, sisentro ang kanilang pangangampanya sa bayan ng Bauang upang tiyakin ang pagkapanalo ng kanyang asawa na si Dra. Joya na tumatakbo bilang alkalde, at nais din nilang mahalal muli si Rep. Eriguel bilang kinatawan sa Kongreso ng ikalawang distrito ng lalawigan.
Ang mayoralty candidate na si Dra. Joya at Rep. Eriguel ay kapwa kasapi ng Lakas-CMD.
Makakatapat nila ang magkaalyado na sina incumbent Bauang Municipal Mayor Menchie de Guzman na sasabak muli sa mayoralty race at dating Tubao, La Union Municipal Mayor Dante Garcia na kandidato bilang kongrestista sa nasabing distrito.
Samantala, ayon naman kay Dra. Joya, bilang isang doktor ay prayoridad pa rin nito ang programang pangkalusugan lalo na ang pangarap na pagpapatayo ng ospital sa nasabing bayan kaya ito sasabak sa halalan.
Naniniwala siya na kailangan na may sariling ospital ang bayan lalo na ngayong mayroong pandemya na dulot ng paglaganap ng COVID-19, at nais din nitong may malapit na tatakbuhan ang mga mayroong karamdaman.
Isa lamang ito sa mga nakikita ni Dra. Joya na pangunahing tugon sa matinding epekto ng pandemya upang makabawi ang ekonomiya at maiangat ang pangkabuhayan ng mga kababayan.