LA UNION – Isinailalim sa granular lockdown ang municipal hall ng Burgos, La Union at ang iba pang kalapit na tanggapan nito matapos matuklasang positibo sa COVID-19 ang dalawang tauhan ng Burgos Police.
Base sa inilabas na Executive Order No. 4 ni Mayor Robert Madarang Jr., naka-lockdown ngayon ang Municipal Hall Building, Legislative Building, at residential areas na nasa loob ng 30 meters na pagitan mula sa Legislative Building sa Barangay Bilis.
Pansamantalang suspendido ang transaksyon ng pamahalaang lokal ng Burgos para sa pag-disinfect ng mga gusali at habang isinasagawa pa ang contact tracing dahil may mga nakasalamuhang kawani ng munisipyo ang mga naturang pulis na dinapuan ng COVID-19.
Nabatid ng Bombo Radyo mula sa Burgos Municipal Health Office, tinamaan ng Covid-19 ang isang 54-anyos at isang 38-anyos na kapwa lalaking pulis sa nasabing bayan.
Ayon naman kay PLT. Arnold Perran, Deputy Chief of Police ng Burgos Police Station, sumailalim sa swab test ang lahat ng kanilang tauhan matapos malaman na positibo sa COVID-19 ang dalawa sa mga ito.
Tuloy din aniya ang transaksyon ng kanilang himpilan dahil mayroon namang augmentation mula sa ibang unit ng pulisya at ahensya ng pamahalaan.