LA UNION – Matagumpay na naisagawa ang ceremonial vaccination sa La Union Medical Center (LUMC) sa bayan ng Agoo at Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC) sa lungsod ng San Fernando, La Union gamit ang Sinovac vaccine.
Sa LUMC, unang nagpabakuna si Dr. Glenn Ernest Fonbuena, ang CEO na nasabing ospital at sumunod si La Union Provincial Health Officer Dr. Eduardo Posadas.
Si Dr. Fonbuena ang kauna-unahang recipient ng bakuna sa lalawigan.
Sa isinagawang programa sa LUMC ay dinaluhan din ni Governor Francisco Emmanuel Ortega III.
Samantala, pinangunahan naman ni ITRMC Chief Dr. Eduardo Badua ang pagpapabakuna at sumunod ang ilang healthcare workers.
Ayon kay Dr. Badua, kailangan samantalahin ng mga kapwa niya healthcare workers ang pagkakataon na magpabakuna upang maprotektahan ang sarili nilang kalusugan at pamilya, gayun din upang makatulong sa pamahalaan upang masugpo ang COVID-19.
Nabatid na hanggang sa Huwebes ang inaasahang pagtatapos ng pagbabakuna sa mahigit 2,000 frontline healthcare workers na nasa priority list ng mga nasabing pagamutan.