LA UNION – Aminado ang dalawang frontliners sa Singapore na nangangamba rin sila sa kanilang kaligtasan sa nakamamatay na COVID 19, lalo pa’t tumataas ngayon ang tinatamaan ng virus sa nasabing bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo La Union sa dalawang International News Correspondents na sina Mae Gabriel at Sharyrose Mae Biascan, kapwa nars sa bansang Singapore, naging emosyunal ang mga ito sa kanilang kalagayan bagamat nasa mabuting kondisyon ang mga ito.
Ayon kay Gabriel, silang mga community nurse ay nabawasan ang trabaho pero nanatili silang “well compensated” ng Singapore government.
Ibig sabihin, kumpleto pa rin ang kanilang sinasahod at patuloy ang tulong ng gobyerno para sa kanilang rental fee.
Ayon naman kay Biascan umaasa silang patuloy silang susuportahan ng gobyerno ng Singapore lalo ngayon na na-extend ang “circuit breaker” o ibang katawagan sa “lockdown.”
Ipinaliwanag din nila kung bakit “circuit breaker” ang tawag ni Prime Minister Lee Hsien Loong sa lockdown.
Anila, pag gumamit kasi ng termino na “lockdown” ang PM ay nagpa-panic buying ang mga tao.