LA UNION – Itinuturing ng Mayor Rodrigo Roa Duterte National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) na makasaysayan ang pangyayari kahapon, February 21, 2021 kasunod ang pinangunahan nilang rally o pagtitipon sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang ideklara ang revolutionary government (RevGov) at isulong na rin ang pederalismo.
Maliban sa Mendiola sa Maynila ay isa sa mga lugar sa bansa ang lalawigan ng La Union na may mga nakilahok at nagkaroon ng pagtitipon mula sa iba’t ibang sektor na samasang-ayon sa panawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na ideklara ang revolutionary government.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni retired Army Col. Thomas “Butch” Dumpit, Jr., provincial chairman ng MRRD-NECC La Union Chapter, ipinanapakita ng naturang pagtitipon sa buong bansa ang boses ng mga kababayan na nagnanais ng malawakang pagbabago sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagdideklara ang revolutionary government at hikayatin ang Pangulong Duterte na isulong ang pederalismo.
“It is within the constitution if the President declares a revolutionary government. If the people wants this to happen. Kaya po ‘yong pinakita nationwide, ang ginawa natin ngayon na nag-aklas ang buong bayan for the declaration by the president, if he accepts the declaration of the revolutionary government”, sabi ni Dumpit.
Sa pagdedeklara ng revolutionary government o ang pagbabago sa buong pamahalaan ay maaaring tamaan aniya ang mga may kinalaman sa iligal na droga, kurapsyon, insurhensyan, kriminalidad, poverty, political dynasty, oligarkiya, electoral fraud at vote buying.
Nabatid na sa ilalim ng revolutionary government ay suspendido ang umiiral na Konstitusyon at ang kapangyarihan ng buong pamamahala sa bansa ay mapupunta sa Pangulo.
Matatandaan na sa kasaysayan ng Pilipinas ay nagtatag din ng revolutionary government si dating Pangulong Corazon Aquino matapos lisanin ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Palasyo ng Malacanang noong taong 1986.