LA UNION – Humaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang mga umano’y leader ng Saliganan Drug Group matapos mahuli ang mga ito sa isinagawang anti-illegal drug operation ng mga otoridad sa Barangay Natividad sa bayan ng Naguilian, La Union.
Nakilala ang mga suspek na sina Juvy Saliganan, 44; Jona Hoque, 29; at Rowena Ligaya Saliganan, 54, pawang mga residente sa nasabing lugar.
Sa ulat na nakalap ng Bombo Radyo mula sa Naguilian Police Station, makatuwang na inilunsad ng mga kawani ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang COPLAN JOVAYA na ang layunin ay isilbi ang mga search warrants na inilabas ni Dagupan City, Pangasinan Regional Trial Court, 1st Judicial Region Branch 40 Acting Executive Judge Mervin Jovito S. Samadan sa mga tirahan ng mga suspek at upang mahuli ang mga ito dahil sa umano’y pag-iingat ng droga.
Sa paghahalughog ng mga otoridad sa tahanan nina Juvy at Jona ay nakompiska ang tatlong cal.38 na baril at ang mga bala ng mga ito; kasama ang 17 sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 10 gramo na may katumbas na halaga na P68,000; at mga drug paraphernalia.
Umaabot naman sa 15 sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 12 gramo at nagkakahalaga ng P81,600 ang natuklasan ng mga alagad ng batas sa bahay ni Rowena.
Sa nasabing operasyon ay umaabot sa P149,600 ang kabuuang halaga ng mga nakompiskang droga mula sa pag-iingat umano ng mga suspek.
Sina Juvy at Rowena ang mga leader umano ng naturang grupo na nag-aangkat ng droga mula sa National Capital Region at Bulacan na ibinebenta sa mga bayan ng Naguilian at Bauang, maging sa lungsod ng San Fernando, La Union.
Illegal possession of firearms and ammunations, at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga reklamong kinakaharap ng mga suspek sa hukuman.