LA UNION – Inihahanda na ng pulisya ang kaso laban sa umano’y pinuno ng Orangcaya Drug Group matapos itong mahuli sa isinagawang search operation sa tahanan nito sa Barangay Salincob sa bayan ng Bacnotan, La Union kaninang alas-9:10 ng umaga.
Nakilala ang suspek at sinasabing leader ng grupo na si Bolacan Orancaya, 46, residente ng nasabing barangay.
Nabatid ng Bombo Radyo mula sa Bacnotan Police Station, ipinatupad nila ang search warrant na inilabas ni Regional Trial Court First Judicial Region Executive Judge Asuncion Fikingas Mandia na nakapangalan kay Orancaya dahil sa umano’y pag-iingat nito ng bawal na gamot.
Sa paghahalughog ng pulisya sa tirahan ng suspek, nakompiska ang anim na sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na na tumitimbang ng tatlong gramo at nagkakahalaga ng P20,400.
Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang reklamong haharapin ng suspek sa piskalya.