LA UNION – Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga otoridad ang pamunuan ng isang cockpit arena sa Barangay Ubagan, Sto. Tomas, La Union dahil sa umano’y paglabag sa ipinapatupad na health protocols laban sa COVID-19.
Bago ang pagsasagawa ng imbestigasyon, nagkalat umano ang mga larawan sa social media ng mga sabongero na magkakalapit habang nasa loob umano ng naturang sabongan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Capt. Ariel Saltin, hepe ng Sto. Tomas Police Station, sinabi nito na agad silang kumilos at nagtungo sa cockpit arena kasama ang ilang kasapi ng lokal na pamahaalan ng bayan matapos nilang matanggap ang ulat hingngil sa pagdagsa ng mga sabongero doon.
Ayon kay Saltin, nakasuot naman ng facemask ang mga sabongero pero hindi nila nasunod ang social distancing.
Dahil dito, agad napatigil ang operasyon ng sabongan at nabigyan na rin ng citation ticket ang organizer nito dahil sa paglabag sa health protocol.
Tinatayan nasa 500 katao umano ang nagtungo sa 1,000 seating capacity na cockpit arena.
Nai-report na rin sa Department of Interior and Local Government ang pangyayari.
May permit at ligal naman ang sabongan na dalawang linggo ng nag-o-operate.