LA UNION – Palaisipan pa rin sa pulisya ang nangyaring pamamaril na ikinamatay ng dati umanong body guard ng alkalde sa Barangay San Eugenio sa bayan ng Aringay, La Union kaninang alas-2:30 ng madaling araw.
Nakilala ang biktima na dati umanong body guard ni Aringay Municipal Mayor Eric Sibuma na si Joy Balaoro, 35, tubong lalawigan ng Abra, at naninirahan sa nasabing barangay.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Maj. Romel Centeno, hepe ng Aringay Police Station, sinabi nito na nagtungo sila ng kanyang mga tauhan sa nabanggit na lugar matapos matanggap ang impormasyon mula sa isang barangay tanod hinggil sa nangyaring pamamaril.
Base sa inisyal na imbestigasyon ayon kay Centeno, galing umano mula sa isang tindahan ang biktima at posibleng nakasakay ito sa kanyang motorsiklo nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin sa barangay road ng San Eugenio.
Namatay agad si Balaoro sa matinding pinsalang natamo nito sa katawan dahil sa tama ng cal 5.56 mm na bala ng baril.
Apat na basyo ng naturang kalibre ng bala ang narekobre ng mga imbestigador mula sa crime scene.
Sinabi pa ni Centeno, si Balaoro ay dati ng nabilanggo dahil sa kaso nitong attempted murder at illegal possession of firearms noong 2019, ngunit pansamantalang nakalaya ito matapos siyang sumailalim sa probation ng hukuman.
Nanilbihan din umano ang biktima noon kay Mayor Sibuma pero tinanggal sa kanyang trabaho dahil sa mga naturang kaso.
Nasa punerarya ngayon ang bangkay ng biktima at naipabatid na rin ng pulisya sa pamilya nito ang insidente.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang malaman ang motibo at pagkakakilanlan ng salarin sa naturang krimen.