LA UNION – Kinumpirma ng Department of Interior and Local Government (DILG) La Union Provincial Office na may dalawang contact tracers ang nagpositibo sa COVID-19 sa lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay DILG La Union Provincial Officer Virgilio Sison, sinabi nito na kapwa nakadestino ang dalawang contact tracers sa bayan ng Rosario.

Maaaring dinapuan umano sila ng nasabing sakit habang ginagawa ang kanilang tungkulin.

Ayon kay Sison, nasa isolation facilities na rin ang mga ito at nagpapagaling.

Wala mang karagdagang benepisyo ay tiniyak naman ng opisyal na makukuha pa rin ng mga nagkasakit na contact tracers ang kanilang sahod base sa nakalahad sa kontrata sa kabila ng pagliban ng mga ito sa tungkulin dahil sa naturang kalagayan.