LA UNION – Sinampahan na kasong two counts of murder ang isa sa mga itinuturong suspek na umano’y nang-ambus kay Sudipen, La Union Mayor Alexander Boquing at sa mga kasama nito sa bayan ng Bangar, La Union.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay S/Supt. Ricardo Layug Jr., director ng La Union Police Provincial Office, sinabi nito na nahuli ang suspek na si Rosendo Sibayan, alyas ‘Tukak’, 29, residente ng Barangay Butubut Norte, Balaoan, La Union matapos nilang ipatupad ang search warrant na inilabas ni San Carlos City, Pangasinan Regional Trial Court Branch 57 Judge Jaime Dijillo Jr. dahil sa iligal na pag-iingat umano ng sandata.
Sa paghalughog ng iba’t ibang unit ng pulisya ang bahay ng suspek ay natuklasan ang anim na live ammunitions at isang fired catridge ng cal. 5.56 para sa M-16 rifle.
Ayon kay S/Supt. Layug, hindi umano nagdalawang isip ang mga testigo na ituro si Sibayan na siyang gunman sa pananambang.
Dalawang kasong murder pa lamang ang inihain sa hukuman laban sa suspek dahil ang mga pamilya ng pulis at driver na kasama ng namayapang mayor ang nagbigay ng salaysay o reklamo sa pulisya.
“Nag-file na po tayo ng two counts of murder against dito po sa suspek natin. He was positively identified by our witnesses na siya po ‘yong mismong trigger-man. Siya ‘yong may hawak ng M-16 rifle na pinangbaril during the incident,” sabi ni S/Supt. Layug sa Bombo Radyo.
Humaharap din si Sibayan sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 dahil sa mga nakompiskang bala ng baril mula sa kanyang bahay at isasailalim din ang mga ito sa cross matching.
Inaasahan na madadagdagan pa aniya ang kaso ng suspek kapag pormal na rin na naghain ng reklamo ang naulilang misis ng naturang namayapang alkalde na si vice mayor at ngayon nakaupo na bilang Mayor Wendy Joy na nakaligtas sa pananambang.
Maghahain rin umano ng kaso laban sa mga suspek si Mayor Wendy Joy matapos mailibing ang kanyang mister.