LA UNION – Inaalam pa rin ng mga arson investigators ang sanhi ng pagkakasunog ng isang gusali ng Baraoas Elementary School sa lungsod ng San Fernando, La Union habang nasa holiday break ang karamihan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay City Fire Marshal Chief Ins. Ferdinand Formacion, sinabi nito na nasunog ang buong gusali na kinaruroonan ng silid-aklatan at klinika ng naturang paaralan.
Ang mga residente na malapit sa paaralan ang unang nakakita sa sunog at nagtulung-tulong na tangkain na apulahin ito.
Ayon kay Formacion, malaki na ang sunog nang makarating sila sa nasabing lugar dahil sa may kalayuan ito mula sa City Fire Station at paakyat pa ng bulubundukin ang kalsada.
Ngunit nagpapasalamat sila dahil walang nasugatan sa nangyaring sunog.
Isa sa mga tinitinignan na posibleng sanhi ng sunog ng mga imbestigador ay kung nagkaroon ng overloading sa linya ng kuryente sa nabanggit na gusali.
Hindi pa rin nababatid ang kabuuang halaga ng mga nasunog na kagamitan.