LA UNION – Hindi pa rin nakakauwi sa kanilang tahanan ang isang mangingisda na ilang araw ng nawawala matapos itong pumalaot sa bayan ng Bani, Pangasinan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Maribell del Rosario Fabricante, residente ng Dacap Sur, Bani, sinabi nito na noong gabi ng November 02 nang magtungo sa laot ang nawawala nitong kaanak na si Jefferson Fabricante kasama ang ilang residente na sakay ng kanya-kanyang bangka upang mangisda.
Inaasahan na kinaumagahan sana ng November 03 ay nakauwi na si Jefferson.
Ayon kay Maribell, may ilang mangingisda ang nagsabi na nakita nila ang bangka ng kaanak na umaandar sa gitna ng dagat ngunit wala itong pahinente.
Sinasabi na naabutan umano ng naglalakihang alon ang mga mangingisda nang pauwi na ang mga ito.
Hindi nila namalayan na hindi nakasunod si Jefferson habang tinatahak nila ang maalon na karagatan patungo ng dalampasigan.
Nanawagan naman ng tulong si Maribel sa mga naninirahan sa paligid ng Lingayen Gulf upang matagpuan si Jefferson.