LA UNION – Patay ang isang 45-anyos na mister matapos umano itong barilin ng kanyang tiyuhin sa Barangay San Francisco Sur sa bayan ng Sudipen, La Union.
Nakilala ang biktima na si Ereneo Arciaga, 45-anyos, construction worker; habang ang suspek ay si Eliseo Arciaga, 78-anyos, kapwa residente sa nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PCPT. Cresencio Abila Jr., hepe ng Sudipen Police Station, sinabi nito napasugod umano ang suspek sa bahay ng biktima dahil sa hinalang ito ang gumalaw sa gate valve mula sa isang balon kaya mahina ang tumutulong tubig sa kanyang tirahan.
Napagbuhatan umano ng kamay ng nakababatang Arciaga ang kanyang tiyuhin kasunod ang pamamaril.
Dead on arrival sa Ilocos Training and Regional Medical Center ang biktima dahil sa bala ng cal. 38 na baril na bumaon sa noo nito.
Nasa pangangalaga ngayon ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang kasong pagpatay laban sa kanya.
Isa umanong ‘self defense’ ang dahilan ng suspek kaya nito nabaril ang sariling pamangkin.
Sinasabi na dati na ring may alitan ang dalawa.