(Update) LA UNION – Napahayag ng pakikipagdalamhati si Nueva Ecija Governor Czarina Umali sa pamilyang naulila ng kanyang sekretarya na si Mary Anne “Meanne” Hernandez na pinatay ng riding in tandem suspects noong nakaraang araw ng Linggo sa bayan ng Talavera, Nueva Ecija.

Sa inilabas na press statement ni Gov. Umili, sinabi nito na nalulungkot siya at ng kanyang pamilya sa sinapit ni Hernandez sa hindi inaasahang pagpanaw nito.

Mariin niyang kinokondena ang ginawang pagbaril ng mga salarin sa naturang biktima at ikinasugat pa ng mister nito na si Carlito Hernandez.

Ayon pa sa gobernadora, tutukan nila ang kasong pagpatay kay Mary Anne hanggang sa makamit ang katarungan.

Ang kanyang sekretarya ani ni Umali, ay itinuturing nilang bahagi ng kanilang pamilya at malaki rin ang naitulong nito sa kapitolyo upang pagsilbihan ang mga kababayan.

“Si Meanne ay halos bahagi na ng pamilya Umali. Nagsimula siyang maglingkod bilang Executive Assistant ni Gov. Oyie Umali noon pang 2007 at nagpatuloy sa katulad na gawain ngayon sa aking panunungkulan. Si Meanne ang tulay namin sa halos lahat nang mga gawaing kailangang kagyat na matapos sa Kapitolyo gayundin sa pag-aasikaso sa mga hinihiling na direktang tulong ng ating mga kababayan. Dahil dito, halos mas malaki pa ang inuubos na oras ni Meanne sa pagtatrabaho kesa sa kanyang pamilya. Hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, ang mga gawain sa Pamahalaang Panlalawigan ang inaasikaso ni Meanne. Si Meanne ay hindi lamang katulong sa gawain kundi kapatid at kaibigan na sa amin ni Gov. Oyie at tita sa aming mga anak,” ayon kay Umali.

Ipinag-utos na rin ng gobernadora na Nueva Ejica Police at hiniling pa nito ang tulong ng National Bureau of Investigation na magsagawa ng malalimang pagsisiyasat upang malutas agad ang kaso.

“Hindi kami titigil hanggat hindi nakakamit ng pamilya Guevarra-Hernandez ang katarungan. Inaatasan ko ang mga pulis ng Nueva Ecija na mabilis na matapos ang imbestigasyon, matukoy ang mga salarin at ang mga taong nasa likuran nito at agad silang papanagutin sa kanilang karumal dumal na krimen. Hinihingi ko ang tulong ng National Bureau of Investigation kung kinakailangan para mapabilis ang resolusyon ng krimen,” wika pa ng gobernadora.

Samantala, nabatid ng Bombo Radyo na nag-alok na rin si Talavera, Nueva Ecija Mayor Nerivi Martinez ng P200,000 bilang pabuya sa makakapagturo sa mga salarin.

Maalala na noong January 14, 2018 dakong alas-6:30 ng gabi ay pinagbabaril ng riding in tandem suspects ang mag-asawang Hernandez habang nasa loob sila ng kanilang sasakyan at nagre-refuel sa gasoline station sa Barangay Marcos,Talavera, Nueva Ecija.

Nasawi si Mary Anne habang nagtamo naman ng sugat sa katawang ang mister nito na isang negosyante.