Isiniwalat ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na nasa 16 na sasakyan ang narekober ng gobyerno mula sa kamakailang ibinasura na ill-gotten wealth case laban kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kaniyang maybahay na si dating First Lady Imelda Marcos.

Ginawa ng PCGG ang naturang pahayag matapos na ibasura ng Sandiganbayan ang ill-gotten wealth case sa ilalim ng Civil Case 0032 na inihain laban sa dating first couple at kanilang associates dahil sa kawalan ng aksiyon ng state prosecutors sa kaso na nabinbin ng halos 4 na dekada na.

Matatandaan na inihain ng PCGG ang naturang kaso noong Hulyo ng taong 1987 laban sa mag-asawang Marcos at dating Malacañang photographer Fernando Timbol. Sangkot sa kaso ang 21 motor vehicles at household appliances na nagkakahalaga ng P5 million na iligal umanong nakuha ni Timbol na dapat maibalik sa gobyerno.

Samantala, sa inilabas na statement ng ahensiya, binanggit nito ang naging desisyon ng Korte Suprema noong Pebrero 8, 1989 kung saan idineklara bilang ill-gotten wealth ang properties na nakuha ng defendant na si Timbol at forfeited pabor sa gobyerno. Inisyu din aniya kalaunan ang isang writ of execution na naglilipat sa kustodiya ng nasabing mga sasakyaan sa PCGG, kayat matagumpay na narekober ang 16 na forfeited motor vehicles.

Ikinatwiran din ng PCGG na nanatiling nakabinbin ang proceedings sa Sandiganbayan hanggang sa magtakda aniya ang anti-graft court ng case conference noong Enero 21 ngayong taon para ito ay gawing case closed.

Sa nasabing conference, hindi na rin aniya tumutol ang PCGG kung ikokonsidera ng korte ito bilang case closed at terminated dahil naisakatuparan na aniya ng komisyon ang writ of execution sa pamamagitan ng matagumpay na pagturn-over sa mga property gayundin pumayag aniya ang Office of the Solicitor General sa pagsasara at pagwawakas ng kaso.(By Bombo Everly Rico)