LA UNION – Nakatakdang ihanin ng pulisya bukas, araw ng Lunes sa piskalya ang patung-patong na kaso laban sa dalawang drug personalities na naaresto sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan ng La Union.
Sa ulat na nakalap ng Bombo Radyo, unang naaresto ang suspek na si Mark Anthony Madrid, 41, welder, at residente ng Barangay Lingsat sa lungsod ng Fernando, sa isinagawang buy bust operation ng mga otoridad sa Barangay Barraca sa bayan ng Bangar.
Nakompiska mula sa pag-iingat ni Madrid ang isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at ang P1,000 bill na buy bust money.
Sa isinagawang fallow-up operation ng pulisya, ay nagkaroon umano ng habulan sa pagitan ng mga otoridad at sa umano’y kasabwat ni Madrid na nakilala sa pangalang Kenneth Diaz, 41, mekaniko, at residente ng Barangay Ili Norte, San Juan.
Naharang ang sasakyang minamaneho ni Diaz sa Barangay Ili Sur, San Juan.
Sa paghahalughog ng mga pulis sa naturang sasakyan, nadiskobre ang isang hand grenade, tatlong sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, at limang cellphones.
Kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang suspek dahil sa pagtangkilik umano ng mga ito sa ipinagbabawal na gamot.
Ngunit may karagdagang reklamo pa ang nakahanda para kay Diaz dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 9516 matapos madiskobre sa pag-iingat nito ang naturang granada.