LA UNION – Abala ngayon sa pagbibigay ng paalala at paghahanda ang Office of Civil Defense (OCD) Regional Center-1 habang papalapit na ng bansa ang bagyong Rolly.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay OCD Region 1 Public Information Officer Mark Masudog, sinabi nito na nakataas na ang blue alert status sa buong Ilocos Region lalo na sa mga lalawigan ng Pangasinan at La Union na ngayon ay nasa ilalim ng tropical cyclone warning signal no. 1.
Nakipag-ugnayan na rin ang OCD Regional Office-1 sa iba pang ahensa at mga lokal pamahalaan para sa paghahanda ng mga ito sa maging epekto ng naturang bagyo.
Naka-pwesto na rin ang mga kagamitan para sa rescue operations at iba pang pangunahing ibibigay na tulong sa mga posibleng lugar na sasalantain ng kalamidad.
Samantala, pinulong na rin ni San Fernando City, La Union Mayor Alf Ortega ang mga kasapi ng City Disaster Risk and Reduction Management Office upang tiyakin ang kahandaan ng lokal na pamahalaan laban sa pananalasa ng bagyong Rolly.
Sa ngayon, nanatiling maaliwalas pa rin ang lalawigan ng La Union habang papalapit ang nasabing bagyo.