Naisagawa ang isang dialogue meeting sa pagitan ng kapulisan at ng mga progresibong grupo sa City of San Fernando Police Station kahapon, araw ng Sabado.

Ito ay kasunod ng kahilingan ni Mr. Crisanto Palabay, isa sa mga organizers, miembro at Advisory Council ng La Union Peace and Justice Advocates para sa payapa na demonstrasyon na mayroong adbokasiya para sa ‘transparency’ at ‘accountability’ patungkol sa maling paggamit ng pampublikong pondo.

Naaprubahan ang kanilang permit pero dapat ay tatalima ito sa ilang mga kondisyon lalo na’t ang aktibidad ay potensyal na dadaluhan ng mga menor-de-edad, bagay na mahigpit ipinagbabawal ng mga otoridad.

Dahil dito ay nagsagawa ang mga matataas na opisyales ng kapulisan ng isang ocular inspection sa City Plaza at City Auditorium, sa pangunguna ni Police Brigadier General Dindo Reyes, Regional Director ng Police Regional Office 1.

Siniguro naman sa publiko ni Police Lieutenant Colonel Rogelio B. Miedes, Officer-in-charge ng City of San Fernando Police Station na nakahanda ang kanilang hanay para sa nasabing Anti-Corruption Rally ngayong araw.

Ang inspeksyon ay kinabibilangan ng crowd control strategies, deployment areas para sa mga police personnel, at koordinasyon sa mga kasali sa demonstrasyon para sa ikabubuti ng publiko.

Maisasagawa ang programa sa dakong ala una hanggang alas kwatro ng hapon sa City Auditorium, kung saan ay hindi mapapahintulotan ang mga makikisali na maglibot, magparada, at magsunog ng kahit anumang kagamitan. Kagaya ng napagkasunduan ay agad na maaresto ang sinumang lalabag sa konteksto ng kanilang rally permit.