LA UNION – Umaasa ang iba’t ibang sektor sa lalawigan ng La Union na mabubuo ang Go-Duterte tandem para sa presidential election sa taong 2022.
Nagsagawa ng motorcade ang nasabing grupo sa pangunguna ng Mayor Rodrigo Roa Duterte National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) sa bayan ng Bauang at lungsod ng San Fernando upang makahikayat pa ng suporta para sa nais nila na mabuong tambalan nina Sen. Christopher “Bong” Go at Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay retired Army Col. Thomas “Butch” Dumpit, Jr., provincial chairman ng MRRD-NECC La Union Chapter, sa September 8, 2021 na ang national assembly at kasabaynito ang pag-endorso ng PDP-Laban sa kanilang mga presidential at senatorial candidates kaya umaasa sila na magbabago ang isip ni Sen. Go upang maging standard bearer ng naturang partido katuwang ang Pangulong Duterte.
Sabi pa ni Dumpit, malaki ang tiwala nila sa kakayahan ng senador na matagal ng kasama sa paglilingkod at pagtatrabaho ng Pangulong Duterte upang pamunuan ang bansa dahil sa alam na nito ang mga tungkulin ng punong ehikutibo.
Kung maalala, tinanggihan ni Sen. Go ang alok ng kinaaanibang partido na maging pambato sa pampangulohang halalan, habang tinanggap naman ng Pangulo Duterte na ito ang sasabak sa vice-presidential race sa 2022.