LA UNION – Nadagdagan pa ang bilang ng mga oversease Filipino workers (OFWs) ang napauwi sa kanilang tahanan sa pamamagitan ng Hatid-sundo Program ng Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) Regional Office-1 sa Ilocos Region.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay OWWA Regional Office-1 Labor Communication Officer Geraldine Lucero, sinabi nito na nasa 1,727 OFWs na ang naihatid na sa kanilang mga tahanan sa iba’t ibang lalawigan.
Mula sa naturang bilang, 975 na manggawa ang napauwi sa Pangasinan, 307 sa La Union, 251 sa Ilocos Sur, at 194 sa Ilocos Norte, kasama na rin sa natulongang mapauwi sa lalawigan ng Abra ang 44 OFWs.
Tiniyak ng OWWA na nakompleto ng mga nasabing OFWs ang mandatory 14-day quarantine at nag-negative naman ang mga ito sa COVID-19 test bago sila napauwi.
Inaasahan na sa mga susunod pa na araw ay may mga OFWs na babalik sa kani-kanilang lalawigan dahil sa Hatid-sundo Program ng OWWA.