LA UNION – Pinawi ni Bauang, La Union Municipal Mayor Menchie de Guzman ang pangamba ng mga kababayan hinggil sa kumalat na video kung saan inililibing ang isang bangkay sa sementeryo ng gabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay de Guzman, sinabi nito na kailangan unawain na hindi namumuhay ang mamamayan ngayon sa ordinaryong panahon dahil sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa alkalde, sinunod lamang nila ang inilabas na alituntunin ng Department of Health (DOH) kung paano ilibing ang bangkay.
Base sa direktiba aniya ng DOH ay kailangan ilibing sa loob ng 12 oras ang bangkay at hindi na ito pwede paglamayan lalo na kung namatay sa ospital o isang person under investigation (PUI).
Walang dapat ipangamba wika ng opisyal dahil tiniyak din ng punerarya na sumailalim sa disinfenction ang bangkay na nailibing.
Sabi pa ni de Guzman, hindi naman masisisi ang kumuha at nagpakalat ng video ang naging reaksyon nito dahil maaaring hindi niya alam ang protocol sa paglilibing ngayon ng bangkay sa sementeryo.
Plano naman ng alkalde na magsagawa ng pagpupulong sa mga naninirahan na malapit sa naturang sementeryo.
Una rito, kumalat sa social media ang nasabing video kung saan mapapanuod na na-spray sa bangkay ang mga kalalakihan bago ito inilibing sa sementeryo ng gabi.