LA UNION – Patuloy ang isinasagawang pagsisiyasat ng task force at lokal na pamahalaan ng bayan ng Bauang, La Union hinggil sa napabalitang galing sa kanilang lugar ang mga nabiling baboy na tinamaan ng African swine fever (ASF) at dinala upang alagaan sa lungsod ng San Fernando sa lalawigan.
Sa katatapos lamang na emergency meeting ngayong araw ng Linggo, March 08, ng Bauang African Swine Fever Task Force ay napagkasunduan na pansamantalang i-lock down ang Barangay Lower San Agustin kung saan umano binili ang mga alagang baboy na tinamaan ng ASF habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Bauang Municipal Meat Inspector Vic Bersola, sinabi nito na base sa kanilang pagsisiyasat at pagtatanong sa may-ari ng naturang farm na pinagbilihan ng mga baboy na dinala sa lungsod ng San Fernando ay wala namang nakikitang abnormalidad ang mga ito o naitalang namatay.
Kailangang matiyak aniaya na kung sa nabanggit na baboyan nanggaling ang ASF dahil 25 baboy ang naibenta ng may-ari nito ngunit lumalabas umano sa ulat na mayroong 40 ang namatay na alaga ng nakabili.
Ayon kay Bersola, dapat din malaman kung saang lugar galing ang 15 baboy ng nag-aalaga sa lungsod.
Nakatakda kuhanan ng blood sample ang mga baboy sa nasabing farm upang mabigyan ng linaw ang naturang usapin hinggil sa ASF kung ito ay nagmula sa naturang bayan o hindi.
Ipinag-utos naman ni Mayor Menchie de Guzman na pansamantalang hindi pagpapasok ng mga alagang baboy mula sa labas ng bayan at maging ang anumang produkto ng karne nito upang maiwasan ang pagkalat ng naturang sakit.
Nanawagan din si Mayor de Guzman sa pang-unawa ng mga kababayan at pakikipagtulongan upang mapigilan at malagpasan ang suliranin hinggil sa ASF.
Hinihiling din ng alkalde sa mga kawani ng Philippine Coast Guard na magbantay dahil maaaring maging lugar ng kalakaran sa pagpapasaok ng mga karne ang karagatan.
Samantala, tiniyak naman ni Lt. Juan Casem, deputy Chief of Police ng bayan, na mas maghihigpit sila sa ipapatupad na quarantine checkpoint sa mga kalsada na papasok at palabas ng Bauang upang hindi makalusot ang mga karne na galing sa ibang lugar.
Una rito, tinukoy ng San Fernando City Veterinary na ang ilang mga baboy na tinamaan ng ASF ay nabili umano mula sa isang farm sa bayan ng Bauang, La Union.