LA UNION – Naka-hospital arrest ngayon ang isang pasyente na umano’y nasa impluensya ng iligal na droga at nagsuko ng shabu at marijuana sa mga security guard ng Ilocos Training and Regional Medical Center sa lungsod ng San Fernando, La Union.
Nakilala ang naturang pasyente na si Bernie Padama, 28, residente ng bayan ng Dumalmeg, Ilocos Norte.
Nabatid ng Bombo Radyo mula sa mga kawani ng San Fernando City Police Office, personal umanong nagtungo sa pagamutan si Padama dahil sa iniinda nitong sakit sa tiyan at una niyang linapitan ang mga gwardya na nasa emergency room.
Nasambit at ipinakita umano ng pasyente ang kanyang bag na may lamang droga sa mga sekyu kasunod ang paghiling nito na tumawag ng pulis upang siya ay sumuko.
Bago umano tinanggap sa pagamutan si Padama ay humingi muna ng tulong ang mga gwardiya sa pulisya at hindi nila pinakialaman ang naturang bag.
Nang ma-admit na ang pasenyente ay binusisi ng mga pulis ang bag at natukalasan ang dalawang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at isang sachet ng hinihinalang marijuana.
Dahil dito, binasahan agad ng arresting officer ng Miranda rights ang umano’y drug suspect at ipinusas ito sa hospital bed habang nakahiga at naka-dextrose.
Hinihinala rin ng pulisya na maaring bangag umano sa droga si Padama dahil sa ngayon ay tulala ito at hindi man lang umiimik kapag kinakausap.
Inihahanda na rin ng pulisya ang kaso laban sa naturang pasyente.