LA UNION – Nasa mabuti ng kalagayan ang 14-anyos na binatilyo na na-rescue ng pulis mula sa pagkalunod sa dagat ng Barangay Paratong 3 sa bayan ng Bangar, La Union.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PLt. Rolando Nastor, deputy chief of police ng Bangar Police Station, sinabi nito na nagkataon lang na sila ay nasa Barangay Paratong 3 upang magresponde sa nangaring komusyon nang may humihingi ng saklolo sa mga ito dahil sa nalulunod ang nasabing binatilyo.

Ayon kay Nastor, hindi nagdalawang isip si Patrolman Jefferson Otanes na tulongan ang naturang binatilyo na si Andrielo Valdez, residente ng nasabing lugar, na tinatangay ng mga naglalakihang alon sa dagat.

Tinalian ni Otanes ng lubid ang kanyang baywang kasunod ang paglusong sa tubig upang sagipin ang binatilyo.

Nagtulongan naman ang ilang mga residente at mga pulis na hatakin ang naturang lubid na nakatali kay Otanes nang mahawakan na nito si Valdez upang maiahon sila sa dalampasigan.

Dinala naman agad sa ospital ang binatilyo upang malapatan ng lunas.

Nagpapasalamat naman umano ang pamilya ni Valdez sa mga sumagip sa kanya lalo na kay Otanes.